Malaki ang pasasalamat ng isang midwife matapos siyang pumasa sa Midwifery Board Exam nito lamang Nobyembre, tatlong oras matapos siyang manganak.
Sa 1,608 na kumuha ng exam, isa si Dolly Bardon sa pinalad sa kabila ng pinagdaanan sa dalawang araw na pagsusulit.
Sa hindi inaasahang pangyayari kasi, sa ikalawang araw ng exam ay nanganak ito nang makaramdam ng pananakit ng tyan bandang madaling araw ng Nob.3.
“Ini-expect ko, 10 days before exam ako manganganak,” ani Bardon.
Agad raw siyang nagtungo sa pinakamalapit na lying-in clinic sa Legazpi City nang maramdamang siya nga ay manganganak na.
“Sabi ko iba na, may dugo na siya. ‘Yung lying-in namin malapit lang [sa tinutuluyan ko]. Nilakad ko na siya, ako lang mag-isa. Hindi ko na ginising ‘yung mga kaklase ko, nahiya ako may exam bukas kawawa naman mga puyat. Nagkatok ako, sarado pa ‘yung lying-in. Sabi ko manganganak na po ata ako,” kwento niya.
Ligtas namang naipanganak ang kanyang sanggol ngunit tatlong oras matapos itong isilang, bumalik si Bardon sa review center para ituloy ang pagsusulit.
Hindi niya alintana ang sakit ng tyan at ang isang oras na pahinga dahil sa tulong na rin ng ilang namumuno sa center, nakapagsulit siya ng maayos.
Salaysay pa niya, tuwing break time ay lalabas siya para mag-breastfeed sa anak.
“Dalawang subject na lang. Sabi ko sayang, maghihintay na naman ako ng 2 buwan na naman [bago makapag-exam ulit]. Sayang ang pagkakataon. Tiniis ko talaga siya, ang sakit. Super sakit, kasi may tahi pa ako. ‘Yung dugo ko sobrang dami pa. Tapos ‘yung tiyan ko nagko-contract pa siya, siyempre mayroon pang oxytocin ‘yun,” saad ni Bardon.
Dahil sa tyaga at pagtitiis, nairaos niya ang pagsusulit at pumasa.
Ibinahagi ni Bardon ang kanyang pagkapasa sa tulong ng Admg Powerhouse Review Center.
Bilang pasasalamat sa tatlong namumuno ng review center na nagsalitan para alagaan ang anak niya habang nag-eexam, ipinangalan niya sa mga ito ang kanyang baby.