Imbes na masayang kasal ay nadurog ang puso ng bride na si Nell Cordukes, 24, matapos pumanaw ang ina sa mismong araw nang kanyang pakikipag-isang dibdib sa kasintahang si Matt sa England.
Umaga raw ng October 2, nang mamatay ang kanyang ina, dalawang oras nang magpunta sila sa 16th century country house Hipping Hall sa Cowan Bridge, venue ng naturang kasal.
Ayon kay Nell, tatlong buwan raw nilang pinaghandaan ang kasal para masigurong makakaabot pa ang kanyang inang si Becky Best, 56, na noo’y nasuring may terminal brain cancer.
Ngunit dahil mas lumalala umano ang kondisyon ni Becky ay pinaaga nila ang ito.
Kwento ni Nell, bago ang kanilang wedding day ay dinalaw niya ang ina at dito ramdam niya raw ang pakikipaglaban nito sa sakit.
“She was very poorly, at that point she couldn’t speak, eat or drink but she could hear us though. I slept in her room on the floor and every time I left the room, even for two minutes, I’d say goodbye,” aniya.
Mas pinili rin daw niya at ng kanyang kapatid na babae na samahan ang ina kaysa puntahan ang naturang venue gabi bago ang kasal.
Alas singko ng umaga nang magising si Nell para magkaroon ng oras kasama ang ina.
“And I just said to her ‘I’m getting married, it’s all right if you go’ before I left around 7am, leaving my sister there,” saad niya.
Bandang alas 9:00 umaga nang makatanggap ng tawag si Nell mula sa kapatid para ibalitang pumanaw na ang kanyang ina.
“I think she had been waiting for us to both go,” dagdag pa niya.
Kinwento rin ni Nell kung gaano kahirap ang magdiwang matapos malaman ang nakakalungkot na pangyayari.
“We had our first dance which was hard and at the end, I thought, I could stand here and cry or try and have a bit of a party. Which is what she wanted us to do, she wanted us to celebrate. You’re there feeling guilty but you know that’s what she wanted,” pahayag pa niya.
Samantala, sa wedding day ng dalawa, suot ni Nell ang kwintas na regalo sana niya sa kanyang ina gayundin ang singsing na binigay nito sa kanya na inilagay pa niya sa kanyang wedding bouquet.
At para maramdaman daw nila ang presenya ng ina, nilagay nila ang litrato nito sa isang blankong upuan sa wedding reception.
Sabi niya, “We’d always planned to have the chair but on the big day, I got someone to print out a picture of us and frame it.”
Sa ngayon ay inaasikaso na ng mag-anak ang pagpapalibing sa kanilang ina sa tulong din ng GoFundMe ng Brain Tumor Charity.