TINGNAN: Puting paniki, naispatan sa Samal Island

Courtesy Gigi Senajonon

Viral ngayon sa social media ang larawan ng isang puting paniki na namataan ng isang pamilya sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte.

Umani ng 4,000 likes at 20,000 shares ang Facebook post ni Gigi Senajonon na ibinahagi niya nitong Mayo 16.

Sa kuhang litrato, matatanaw na ang tenga, finger bone, at iba pang parte ng katawan ng hayop dahil sa tindi ng pagkaputi nito.


Kuwento ng uploader, napadpad ang kakaibang paniki sa loob mismo ng kanilang bakuran sa Barangay Remegio noong Mayo 10.

Ito rin daw ang unang beses na nakakita sila ng puting paniki sa tagal nilang naninirahan sa naturang probinsiya.

Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region XI, isang uri ng Cynopterus brachyotis o lesser short-nosed fruit bat ang naispatang paniki.

Wala rin silang naitalang sightings ng puti o “albino” kaya iniimbestigahan na nila ang insidente.

Dagdag pa ng kagawaran, madalang pumunta sa Pilipinas ang nasabing hayop.

Facebook Comments