Tinupok ng apoy ang isang bahagi ng LRT 2 sa Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Sa kuhang bidyo ni Melvin Mamitag, makikitang lumiliyab ang riles sa pagitan ng istasyon ng Katipunan at Anonas.
Naiulat ang sunog sa Quezon City fire station bandang alas-11:19 ng umaga at naapula ito pasado alas-11:30.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na nagliyab ang power rectifier sa may bahagi ng Katipunan station.
Pahayag ni Hernardo Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority, kinokonsidera nilang bawasan ang istasyong pinagseserbisyuhan ng LRT-2 habang inaayos pa ang natupok na riles.
Aniya, hindi kaagad maayos ang riles kung talagang nasunog na ito.
Ayon sa pamunuan, may posibilidad na ang biyahe ng mga tren ay mula Recto hanggang Cubao station at pabalik.
Wala namang nasugatan o nadamay na establisyimento dahil sa sunog.
Sa ngayon, suspendido pa rin ang operasyon ng LRT 2.