Pinapakumpiska ng Food and Drugs Administration (FDA) ang lollipop brand na Dipzy Cornpop matapos mabistong wrapper ng condom pala ang ginagamit na pambalot sa naturang produkto.
Ayon sa FDA, hindi nila pinayagan ang kompanyang MM Lucky Sales Multisales Corporation na gumamit ng Durex condom foil bilang pabalot sa mga ginagawang lollipop.
Dagdag ng ahensiya, mga abogado mismo ng Durex Philippines ang nagreklamo sa kanila kaugnay sa packaging ng Dipzy Cornpop Lollipop.
Lumitaw din sa imbestigasyon na walang cerfiticate of product registration ang produkto bago pa man ito mailabas sa merkado.
Inabisuhan ng ahensiya ang publiko na huwag bilhin ang tinatawag nilang “adultered products” o mga bilihing may mababang kalidad.
Binigyan ng palugid ng FDA ang manufacturer para alisin ang mga lollipop sa lahat ng supermarket at tindahan.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng MM Lucky Sales Multisales Corporation hinggil sa naturang isyu.