Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na magiging mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa simbahang katoliko lalo na sa mga pari para protektahan ang mga ito.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng ikatlong insidente ng pagpatay sa pari sa loob lamang ng anim na buwan kung saan ang huling biktima ay si Father Richmond Nilo ng Nueva Ecija.
Una naring sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na pinapatay na ang mga pari na itinuturing na mga pastol, pinapatay din aniya ang kanilang pananampalataya, minumura ang simbahan at muling pinapatay ang Panginoon tulad ng ginawa sa Cavalry.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, nakikiisa ang Malacañang sa mga pinuno ng simbahang Katoliko sa pagkondena sa pagpatay sa mga Pari.
Sinabi ni Roque na sa ngayon ay kumikilos na ang PNP para imbestigahan ang mga krimen na ito at mapanagot ang mga may sala.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte aniya ay pinalalakas pa ang anti-criminality campaign ng pamahalaan para masawata ang kriminalidad sa bansa.
Binigyang diin din ni Roque na kailangang magkaisa ng lahat para labanan ang kriminalidad at isulong ang kapayapaan at seguridad ng bayan at nang simbahan.