TINIYAK | Mindanao Railway Project, on-track na ayon sa DOTr

Tiniyak ngayon ng Department of Transportation (DOTr) sa publiko na ‘on-track’ ang Mindanao Railway Project (MRP) ng gobyerno.

Ang pahayag ay ginawa ni Transportation Undersecretary for Rails TJ Batan matapos ang ‘malisyosong’ statement ni Transportation Assistant Secretary Mark Tolentino.

Sa kanyang hindi otorisadong press conference nitong araw ng Biyernes (May 18), sinabi ni Tolentino na may ilang opisyal sa ahensya ang nais raw i-delay ang implementasyon ng proyekto para sa benepisyo ng partikular na contractors.


Paliwanag ni Batan, nagkamali ng pagka-intindi si Tolentino nang sabihan itong huwag munang ituloy ang press con sapagkat hindi ito inaprubahan alinsunod sa ‘media protocol’ ng DOTr sa gitna nang nagpapapatuloy na high-level meetings sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at China.

Sabi pa ni Batan, hindi rin umano totoo na may pinapaborang contractors sa proyekto dahil nais lamang matiyak ng pamahalaan na mailatag nang wasto ang buong estratehiya lalo pa at sinasabing nagpahayag ng interes ang China na pondohan ang halos sa 1,500-kilometers na proposed railway project.

May agam-agam umano na mahihirapang makumbinse ang Tsina na ituloy ang karugtong na proyekto kung hindi ito ang mangunguna sa pagpapatayo ng ‘Phase 1’ o ang 103-kilometers train line na ko-konekta sa mga siyudad ng Digos, Davao at Tagum.

Sa kabila ng tila hindi pagkakaunawaan sa loob ng DOTr, inaasahan na magiging ‘fully operational’ sa taong 2021 ang ‘Phase 1’ ng world-class na Mindanao Railway na magpapabilis sa transportasyon ng mga pasahero, komersyo at serbisyo sa rehiyon.

Facebook Comments