TINIYAK | Pagpapalit ng liderato ng AFP hindi magiging hadlang para sa pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao

Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines o AFP na hindi maapektuhan ang kanilang buong suporta sa pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao kahit na magpalit ng liderato ng AFP.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Carlito Galvez, isa sa mga naging isyu na napag-usapan nila ni MILF Chairman Murad Ibrahim kanina ay kung maitutuloy pa ba ang suporta ng AFP sa pagsulong ng peace process sa pagitan ng MILF at gobyerno sa Mindanao kung sya ay magreretiro na sa serbisyo.

Paliwanag ni Galvez, ang AFP ay isang organisasyon na layunin ay sumuporta sa mga usapin na may kinalaman sa pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao at hindi nakabatay sa lider ang pagsuporta nito.


Kasama aniya sa pagpupulong kanina ang ilang matataas na opisyales ng AFP na nangakong itutuloy ang suporta sa MILF para sa inaasam na kapayapaan sa Mindanao kahit magretiro na si Gen. Galvez.

Kaninang umaga ay bumisita sa Camp aguinaldo sa kauna-unahang pagkakataon si MILF Chairman Murad Ibrahim.

Paliwanag ni Murad ang kanyang pagbisita sa Camp Aguinaldo ay patunay na tapos na ang gyera sa pagitan ng MILF at AFP.

Facebook Comments