Manila, Philippines – Naniniwala si Akbayan Party-list Representative Tom Villarin na ang panibagong pag-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa simbahang Katolika ay nagpapatunay ng pangmamaliit at paninira sa mga institusyon.
Ito ay matapos iugnay ng Pangulo si Caloocan City Bishop Pablo Virgilio David sa ilegal na droga habang nanawagan sa mga Katoliko na magtayo na lang ng sariling kapilya sa tahanan sa halip na magtungo sa simbahan para magdasal.
Ayon kay Villarin, tiyak na paraan na naman ito ng Malacañang para ilihis sa publiko ang isyu ng pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping at kung paano ito umani ng batikos.
Hindi rin aniya dapat sinasabi ng Pangulo sa public speeches at presidential events ang mga opinyon at sariling paniniwala tungkol sa pananampalataya sa Diyos.
Bagaman at karapatan umano ni Pangulong Duterte na magpahayag ng mga salita laban sa simbahan ay hindi dapat i-convert bilang public pronouncements ang mga batikos pati na ang pagmumura na ginagawa nang uri ng dasal.