Tinuligsa ni Magdalo Rep. Gary Alejano si Pangulong Duterte dahil sa pahayag nito na dapat suwayin ang Commission on Audit (COA) pagdating sa procurement policy para sa mga proyekto ng gobyerno.
Ayon kay Alejano, malaking irony na ibinabandera ng Pangulo ang kampanya nito laban sa katiwalian pero sinusuway naman nito ang COA circular.
Ipinagtataka ng mambabatas kung galit ba talaga sa korap ang Pangulo o gusto niyang protektahan ang mga ito.
Ipinagtanggol naman ni Alejano ang COA sa pagsasabing napakahalagang ahensiya nito sa paglaban sa korupsiyon kaya epektibong pang check and balance sa gobyerno.
Iginiit pa ni Alejano na mas dapat na suportahan ng Pangulo ang COA at iniutos ang mahigpit na pagsunod sa panuntunan ng komisyon.
Lahat naman aniya ay gustong mapabilis ang proseso sa gobyerno pero hindi kailangang mismong ang Pangulo pa ang magsasabing balewalain ang mga proseso para maisakatuparan ito.