Tinututulan ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na isailalim agad sa Witness Protection Program (WPP) si dating Customs Intelligence Officer Jimmy Guban.
Giit ni Barbers, hindi pa napapanahon na ilagay sa WPP ng gobyerno si Guban dahil wala pa naman itong naibibigay na mabigat na testimonya.
Paliwanag ng kongresista, kailangang masampahan muna ng kaso si Guban at mapatunayang siya ang ‘least guilty’ upang mapasailalim sa WPP.
Nanindigan si Barbers na hindi niya dadalhin o irerekomenda si Guban sa WPP maliban na lamang kung magte-testify ito under oath at ikakanta na nito ang mga pangalan ng mga nasa likod ng pagpupuslit ng iligal na droga at maglalabas ng ebidensya.
Hindi kumbinsido ang mambabatas na si Colonel Eduardo Acierto lamang ang nasa likod ng drug smuggling dahil para kay Barbers posibleng may heneral o pulitiko at iba pang malalaking tao ang nasa likod ng pagpapalusot ng droga sa bansa.
Magugunitang inirerekomenda ng Senado na isinailalim sa WPP si Guban dahil sa mga isiniwalat nito sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee.