Manila, Philippines – Muling iginiit ni Agriculture Secretary Manny Piñol na walang kakulangan sa suplay ng bigas sa Pilipinas.
Paliwanag ng kalihim, kaya sumipa ang presyo ng bigas ay dahil sa espekulasyon ng rice shortage at sa delay sa pag-aangkat ng suplay ng bigas.
Sinisi rin ni Piñol ang mga rice hoarder, cartel at smuggler na siyang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas.
Pero sa kabila nito, inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na mag-i-stabilize na ang halaga ng bigas pagsapit ng Nobyembre dahil simula na ito ng anihan at nagsisidatingan na rin ang mga inangkat na bigas.
Kasabay nito, hinikayat ni Piñol ang mga mambabatas na ipasa na ang rice tariffication bill na inaasahang magpapababa sa presyo ng bigas at iba pang agriculture products.
Plano rin ni Piñol na magsumite ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa paglalagay ng price ceiling para sa mga bilihin.