Manila, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na walang kongresistang masi-zero budget sa kaniyang termino kahit pa ang iba dito ay ayaw sa kaniya.
Ayon kay Arroyo, bahagi daw ng kaniyang trabaho ang tulungan ang mga kapwa kongresista at kanilang nasasakupan.
Nabatid kasi na isa sa mga dahilan kung bakit pinabagsak si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez bilang speaker ay dahil sa kaniyang panggigipit sa kumokontrang kongresista.
Kabi-kabila din ang naging aktibidad ni Arroyo sa unang dalawang linggo niya bilang lider ng Kamara kung saan bukod sa pamimigay ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo sa labas ng kaniyang distrito, nanguna idn siya sa groundbreaking ng mga proyekto at turnover ng mga equipment sa Bulacan.
Nakausap din ni Arroyo ang mga ambassador ng South Korea, Myanmar, at Australia noong Sabado.
Sa huli, nanindigan naman si Arroyo na labas na siya sa agawan sa minority leadership sa Kamara.