Titulo ng mga Lupa, Naipagkaloob na sa mga Magsasaka sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Natanggap na ng mga magsasaka ang kanilang titulo ng lupa sa barangay Andabuen bayan ng Benito Soliven, Isabela noong ika-17 ng Setyembre taong kasalukuyan.

Sa ilalim ng Whole of the Nation Approach ng Executive Order #70 o End Local Communist Armed Conflict (ELCAC), naipamahagi ang titulo ng lupang sasakahin ng nasa 3, 715 na mga magsasaka na mayroong tig 5, 729 ektarya, matapos isagawa ang Serbisyo Caravan ng Provincial Task Force (PTF)- ELCAC at ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Mismong si DAR Secretary John Castriciones kasama ang Provincial Government ng Isabela sa pangunguna ni Gov. Rodolfo T Albano III at ng mga opiyales ng naturang barangay ang namahagi ng titulo sa mga magsasaka.


Una rito, dahil sa isinagawang Serbisyo Caravan noong buwan ng Pebrero ngayong taon, natuklasan na ang pangunahing problema sa naturang barangay ay ang repormang agraryo na kung saan, hiniling ng mga residente na maibigay sa kanila ang lupang kanilang sinasaka.

Lubos naman ang naging pasasalamat ni Ginoong Daniel, isa sa mga benepisyaryo at dating miyembro ng grupong DAGAMI sa ipinagkaloob na tulong ng pamahalaan.

Dagdag pa nito na binibigyang katugunan ng pamahalaan sa legal na pamamaraan ang mga isyu at problemang nakapaloob sa isang komunidad.


Facebook Comments