Tumataas na ang tiwala ng mga tauhan ng Philippine General Hospital (PGH) sa bakuna kontra COVID-19 ng Sinovac.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, tumaas sa 25 percent ng kanilang mga kawani ang mga nais magpabakuna ng Sinovac vaccine mula sa walong porsyento noong nakaraang linggo.
Sinabi pa ni Dr. del Rosario, umabot na sa 1,400 na mga healthcare worker ng PGH ang nakatanggap na ng nasabing bakuna.
Aniya, wala pa namang naitalang nakaranas ng adverse effects ang mga tauhan nila na tumanggap ng bakuna.
Dagdag pa ni Del Rosario, malaki rin ang naitulong ng mga ginawang pagpupulong hinggil sa kahalagahan ng bakuna kaya’t tumaas ang kumpiyansa ng mga medical frontliner na magpabakuna na ng Sinovac.
Iginiit pa ni Del Rosario, maiging magpabakuna na kontra COVID-19 kahit na anuman ang brand nito kaysa sa mga hinahangad na bakuna na hindi pa naman o wala pang suplay na dumadating sa bansa.