Manila, Philippines – Tiwala ang Philippine Competition Commission (PCC) na tatalima sa mga probisyon ang Mislatel Consortium bilang ikatlong telco player sa bansa.
Sa harap ito ng pangambang makipagsanib-pwersa ang Mislatel sa PLDT at Globe.
Sa interview ng RMN Manila sinabi ni PCC Commissioner Johanes Bernabe – nangako ang Mislatel na hindi nito gagawin ang mga bagay na ipinagbabawal sa ilalim ng batas gaya ng pakikipag-tie up o pagbebenta ng makukuha nilang frequency sa kalabang telco player.
Pero dahil walang nai-award na espesipikong frequency sa Mislatel tulad ng 2G at 3G na karaniwang ginagamit ng Smart at Globe pwede aniyang makipagkasundo ang Mislatel na makigamit nito para mapaganda pa ang kanilang serbisyo.
Titiyakin naman daw ng PCC na sisiyasatin nilang mabuti ang anumang kasunduan na papasukin ng Mislatel.
Sa huli, iminungkahi ng PCC sa Mislatel na makipag-partner sa mga mobile phone manufacturer para dumami ang Smart phone users na gagamit ng frequency na hawak ng third telco.
Sa pamamagitan nito, hindi na kakailanganin ng Mislatel na makisakay sa PLDT o Globe para makagamit ng 2G at 3G network.