Isa na namang karangalan ang ibinigay sa bansa ng TNT Boys sa kanilang pagsali sa American talent show na “The World’s Best”.
Tumanggap ng standing ovation mula sa mga judges sina Mackie Empuerto, Kiefer Sanchez at Francis Concepcion matapos nilang kantahin ang hit song ni Beyonce na “Listen”.
Say ni Drew Barrymore – bilang dating kid performer, aminado siyang mahilig siya sa mga bata pero talagang mahusay aniya ang TNT Boys na tinagurian nilang “vocal dynamo trio”.
Napatayo rin sa bilib si country singer Faith Hill habang nasorpresa raw sa kanilang performance si Dennis Jauch, hurado mula Germany.
Proud na proud naman si Pops Fernandez na isa rin sa nagsilbing hurado sa The World’s Best na representative ng Pilipinas.
Dahil dito, nakakuha ng total score na 99 ang TNT Boys at tutuloy sila sa next round.
Ang The World’s Best ay isang American talent show na binubuo ng 50 hurado mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.