
Pinalaya na ng La Loma Police Station ang TNVS driver sa nag-viral na gas-and-run sa Quezon City.
Ayon sa La Loma Police, hindi na puwedeng i-inquest ang 27-anyos na si alias “Jefferson” dahil lumampas na sa reglamentary period ng pagsasampa ng kaso.
Dahil dito, pinauwi na si alias “Jefferson,” na residente ng San Jose del Monte City, Bulacan.
Nasa pagpapasiya na umano ng Global Oil kung magdi-direct filing sila ng kasong estafa laban sa TNVS driver.
Aabot sa ₱5,196 na fuel bill ang tinakbuhan ng TNVS driver.
Wala na umanong maiuwing kita at walang pambayad sa gasolina kaya’t tinakbuhan na lamang ng TNVS driver ang gasoline station sa EDSA Balintawak sa QC.
Ayon sa driver, hindi na umano siya namamasada mula nang mag-viral sa social media ang ginawa niyang pagtakbo at hindi pagbabayad sa isang gasolinahan sa EDSA, QC.
Hindi na rin umano siya nagbukas ng kanyang social media account o nag-Facebook kaya’t hindi niya batid na siya ay pinaghahanap na pala ng pulisya dahil sa kanyang ginawa.
Sa backtracking ng Quezon City Police District (QCPD), napag-alaman na second owner na ang TNVS rider dahil naibenta na ang Toyota Innova ng original owner na nag-migrate na sa America.










