*Cauayan City, Isabela*- Nangangamba ngayon ang tinatayang nasa mahigit 7,000 mga traysikel drayber sa Tuguegarao City, Cagayan kung paano ang pagkuha ng kanilang pang araw-araw na gastusin matapos mapalawig ang umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay TODA Federation President Adello Callueng, may ilang mga tsuper ang umaaray ngayon dahil sa kawalan ng pagkakakitaan na tanging pamamasada lang ang karamihan sa kanilang pinagkukunan ng pangkabuhayan.
Maliban dito, problemado rin aniya ang ilang mga operator dahil apektado rin sila ng nararanasang sitwasyon subalit patuloy ang kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan.
Samantala, nakikipag-ugnayan na aniya si Congressman Jojo Lara sa mga traysikel drayber upang maipasok sa mabibigyan ng insurance bilang tugon sa mga hinaing ng nasabing mga manggagawa.