Matapos ang pagkapanalo ng gold medal sa Olympics, agad na inaprubahan ni Philippine Air Force (PAF) Chief Lieutenant General Allen Paredes ang promosyon ni Sergeant Hidilyn Diaz sa ranggong Staff Sergeant, epektibo kahapon.
Dahil dito ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Captain Jonathan Zata, mula sa dating buwanang sweldo ni Diaz na P31,484.00, ay magiging 32,114 na ito ngayon.
Bukod sa sweldo may mga allowances din syang matatanggap mula sa AFP katulad ng mga tauhan ng AFP.
Si Diaz ay miyembro ng PAF na binigyan ng spot promotion dahil sa pagkapanalo sa women’s 55 kilogram category ng weightlifting sa Tokyo Olympics.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, pinupuri nila ang hindi matatawarang tagumpay ni Diaz sa larangan ng palakasan at pagbibigay ng karangalan sa bansa.
Aniya pa ipinagmamalaki nila si Diaz sa tagumpay nito at hangad nila na magpatuloy itong magsilbing inspirasyon sa hanay ng mga sundalo.