Tataas ang singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) simula sa Mayo, 12, 2022.
Ayon sa NLEX Corporation, inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang hirit nilang P2.00 dagdag sa open system at P0.34 sa kada kilometro sa closed system.
Sa bagong toll rates, ang mga motorista na dadaan sa open system ay magbabayad ng dagdag na P2.00 para sa Class 1 na sasakyan, P6.00 sa Class 2 at P8.00 sa Class 3.
Ang mga babiyahe naman ng NLEX end-to-end sa Metro Manila at Mabalacat ay magdadagdag ng P27.00 sa Class 1, P69.00 sa Class 2 at P82.00 sa Class 3 na sasakyan.
Ang open system ay mula Balintawak sa Caloocan hanggang sa Marilao sa Bulacan habang ang closed system naman ay sakop ang Bocaue sa Bulacan at Sta. Inis sa Mabalacat Pampanga kasama na ang Subic-Tipo.
Maliban sa NLEX, magkakaroon din ng dagdag toll sa Mayo 12 ang Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX) Parañaque Toll Plaza.
Base sa bagong toll fee matrix ng CAVITEX, may dagdag na P33.00 ang Class 1 na sasakyan, P67.00 ang Class 2 habang P100.00 sa Class 3.