Cauayan City, Isabela- Problemado ang ilang tomato farmer sa Cordillera region dahil sa matinding pagkalugi sa oversupply ng mga naaning kamatis sa gitna ng mga paghihigpit sa lockdown.
Imbes na mapakinabangan ang mga kamatis ay itinatapon nalang ito sa gilid ng daan dahil hindi na umano nila mapapakinabangan.
Sa pahayag ni Pedicris Alcido ng Tinoc, Ifugao sinabi niya tone-toneladang kamatis ang kanilang naani ngunit wala naman umanong buyer para dito.
Dagdag niya, pinamimigay na lang niya ito sa ibang mga kasamahan subalit sa dami ng kamatis ay hindi na rin ito pinapansin.
Sinabi din niya na kailangan niya ang pera para sa kanyang pamilya.
Labis naman ang kanyan g pagkadismaya sa sitwasyon dahil dito lang umano sila kumukuha ng ipambibili ng pagkain at mga pangangailangan ng anak.
Samantala, hindi rin maibenta ng iba pang magsasaka ang apat na toneladang kamatis na halagang P40, 000.
Dahil sa lockdown kaya’t nawawalan na rin umano ang mga ito ng customers at hindi na rin nila ito maidala pa sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal na siyang bagsakan ng mga naaning gulay.
Sa kasalukuyan, naglalaro sa P10-P15 ang presyo ng malalaking kamatis kada kilo, higit na mababa sa dating presyo na P30 hanggang P40.
Samantala,ang mga medium size tomato ay nagkakahalaga naman ng P5 hanggang P6 kung saan bumaba rin ang presyo mula sa datin P10 hanggang P15.
Sinabi naman ng Department of Agriculture office sa Cordillera na 500 magsasaka ang nawalan ng pagkakakitaan subalit nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa central office para sa sitwasyon.