Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naaresto ng mga otoridad ang itinuturing na Top 1 most wanted person ng Rehiyon dos sa pamamagitan ng isinilbing warrant of arrest matapos ang halos anim (6) na taong pagtatago nito sa batas na kung saan tuluyan itong bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas sa Subic, Zambales.
Kinilala ang nahuli na si Kristopher Mesias, 39 taong gulang, at tubong Barangay Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Si Mesias ay nahaharap sa kasong pagpatay at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na naganap noong taong 2015 na kung saan napatay nito ang isang Korean National sa inuupahang apartment sa Barangay Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.
Narekober ng SOCO Team sa lugar ng pinangyarihan ang isang spent cartridge case at isang piraso ng fired bullet or slug ng Caliber 45 na baril.
Una nang naaresto ang nasabing suspek pagkalipas ng ilang araw matapos ang krimen na naganap sa isang bar sa Brgy. Roxas, Solano dahil sa pagdadala nito ng baril ng walang kaukulang papeles.
Kaugnay nito, narekober mula sap ag-iingat ni Mesias ang isang caliber 45 na kalaunan ay napag alamang pareho ito sa ginamit na pagpatay sa biktimang Koreano.
Natunton ng mga operatiba ang nasabing suspek matapos ang ilang buwan na pagmamanman sa Sitio Bukid, Brgy. Calapacuan, Subic, Zambales ng aktong kukuha ito ng padalang pera mula sa kanyang kamag-anak.
Naaresto ang suspek sa ikinasang manhunt charlie operation sa ilalim ng COPLAN KOREAN ng pinagsanib na pwersa ng Villaverde Police Station; Provincial Intelligence Unit – Nueva Vizcaya PPO; Regional Intelligence Unit 2 (RIU2); Subic MPS; City Intelligence Unit – Olangapo City, PIT Zambales PPO, RIU3, Olongapo City Maritime Group at 142nd SAC, 14 SAB PNP SAF.
Si Mesias ay kasamahan ng biktima at nagsilbing driver at body guard nito.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga operatiba ang suspek pabalik ng PNP Villaverde para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.