Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Nutritionist Mary Jane Yadao ng LGU Cauayan City, may napili na aniya ang City Nutrition Office na sampung (10) Best Communal Garden at dalawang (2) Best Urban Communal Garden subalit hindi pa aniya pwedeng isapubliko para ito ay abangan ng mga kalahok.
Pang tatlong taon na aniya ang kanilang ginagawang pagpaparangal sa mga napiling best communal garden sa Lungsod na nakasunod pa rin sa kanilang Tema na “Ugaliing Magtanim, Sapat na Nutrisyon, Aanihin”.
Nag umpisa ang kanilang evaluation at monitoring sa mga kalahok na Barangay Nutrition Committee Communal Garden para sa pagpili ng Best Communal Garden noon pang nakaraang taon.
Ibinahagi naman ni City Nutritionist Yadao ang ilan sa kanilang Mechanics sa pagpili para sa sampung best communal garden sa Lungsod na kung saan dapat yung Size ng communal garden ay at least 100 square meters and above, yung location ay malapit sa residence na kapag dumadaan sa kalsada ay nakikita, may dalawampung (20) varieties na tanim na gulay at dapat mga open pollinated varieties o mga sinaunang tanim na hindi kinakailangang alagaan sa pamamagitan ng insecticides.
Ang Barangay Nutrition Committee lang din ang magmamando sa kanilang garden na kung saan ay maaaring gamiting pondo ng barangay ang mapagbebentahang ani o produkto habang ang ibang maaaning gulay ay ipamimigay naman sa mga pamilyang walang tanim na gulay.
Layon ng naturang programa na maiwasan ang kakulangan ng pagkain at mabawasan ang malnutrisyon sa Lungsod lalo na sa mga malalayong barangay na hirap maka-access ng pagkain dito sa Poblacion.
Sa pamamagitan din ng pagkakaroon ng Communal Garden ay matutulungan din ang mga residente na magkaroon ang mga ito ng home garden nang sa ganon ay magkaroon din sila ng sapat na pagkain.
May cash prize at token na matatanggap ang mga barangay na pasok sa Top 10 best communal garden habang mabibigyan naman ng assorted vegetables ang mga hindi pinalad na nakibahagi sa kompetisyon.