Top 10 Most Wanted Person sa Rehiyon Dos, Arestado

Cauayan City, Isabela- Arestado ng mga otoridad ang itinuturing na Top 10 most wanted person sa buong Lambak ng Cagayan sa pamamagitan ng “Artificial Intelligence Facial Recognition Through Responsive Electronic System Tracking” o Project A.R.R.E.S.T. ng kapulisan sa Brgy. San Marcos, Cabarroguis, Quirino.

Nakilala ang akusado na si Boyet Magbanua, 39 taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy Caloocan, Dipaculao, Aurora.

Si Magbanua ay nagtago sa batas ng mahigit isang dekada dahil sa kinakaharap na kasong panggagahasa sa isang menor de edad na biktima.


Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang panghahalay ng suspek sa walong (8) taong gulang na biktima noong Hunyo 3 ng taong 2010 sa Barangay Mangandingay, Cabarroguis, Quirino.

Naaresto lamang ngayong araw, Nobyembre 13, 2021 si Magbanua matapos maitimbre sa kapulisan ang kinaroroonan nito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cabarroguis Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law of 1997 in relation to Republic Act 7610 or the Anti-Child Abuse Law.

Walang inirekomendang piyansa ang korte sa kaso ni Magbanua para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Facebook Comments