Total ban sa bentahan at paggamit ng paputok, isinulong ng isang kongresista

Isinulong ni House Committee on Local Government Chairman at Valenzuela City Representative Rex Gatchalian na tuluyan nang ipagbawal ang bentahan, distribusyon at paggamit ng mga “firecracker” o paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Nakapaloob ito sa House Bill 5914 o “Firecrackers Prohibition Act” na inihain ni Gatchalian na layuning mabawasan o mapigilan ang mga nasasaktan, nasusugatan o nagtatamo ng pinsala dahil sa firecrackers.

Ayon kay Gatchalian, batay sa datos ay nakitang epektibo ang kampanya o mga regulasyon kontra sa pagpapaputok pero mayroon pa ring napipinsala lalo na ang mga edad 11 hanggang 30 at mga dumadaan o nanonood lamang dahil mayroon pa ring nakakalusot na magpaputok.


Kapag naisabatas, ang mga lalabag sa unang pagkakataon ay papatawan ng multang P1,000 at kulong na hindi higit sa isang buwan, kapag inulit ang paglabag ay multang P3,000 o kulong na hindi higit 3-buwan ang kakaharapin habang sa ikatlong paglabag ay naghihintay ang parusang kulong hanggang 6-buwan at multang P5,000.

Mananagot naman ang presidente o general manager ng establisyementong lalabag at kakanselahin din ng City Mayor o Local Government Unit (LGU) ang business permit ng negosyo kapag nakatatlo itong paglabag.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, ang mga korporasyon o kumpanya ay dapat munang kumuha ng “special permit” mula sa Philippine National Police Fire and Explosive Office.

Ang naturang permit ay dapat ipakita sa lokal na pamahalaan na siyang magpapasya kung papayagan ang fireworks display sa itinakdang lugar na dapat gawin ng mga propesyunal lamang.

Facebook Comments