Hindi magpapatupad ng total ban ang pamahalaan sa gitna na rin ng pangamba na makapasok sa bansa ang panibagong variant ng COVID-19 na pinaniniwalaang mas mabilis makahawa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na walang Pilipino na pupuwedeng mapigilang umuwi, dahil saklaw ito ng right to travel na kinikilala ng Kataas-taasang Hukuman.
Kaya sa halip, gumagawa ng hakbang ang gobyerno para maprotektahan ang ating populasyon laban sa bagong strain ng virus at kabilang dito ang absolute 14-day quarantine kahit pa negatibo ang resulta ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT- PCR) test ng mga nagsipag uwiang Overseas Filipino Workers (OFWs) at returning Filipinos.
Sa ngayon tanging travel restrictions lamang ang ipinatutupad sa 33 mga bansa na nakitaan ng bagong strain ng COVID-19.
Ibig sabihin, tanging citizens o mamamayan ng mga bansang pasok sa travel ban ang hindi pinapayagang makapasok sa bansa at exempted dito ang mga OFWs at returning Filipinos.