Total deployment ban sa Kuwait, itinulak ni Senator Tulfo

Itinutulak ngayon ni Senator Raffy Tulfo ang total deployment ban sa Kuwait kasunod ng kaso ng pagpatay sa overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.

Ayon kay Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, maaaring ipagpatuloy ang bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait pagkatapos ng deployment ban.

Pero aniya, dapat na ikonsidera ang terms and conditions mula sa Pilipinas kung saan nakapaloob ang pag-require ng mahigpit na screening process at psychiatric exam para sa mga employer sa mga high-risk country gayundin ang mga miyembro ng tahanang pagtatrabahuhan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).


Dapat ding tiyakin ng mga employer na hindi maghihirap ang mga OFW dahil sa kanilang mga tradisyon gaya ng fasting tuwing Ramadan.

Kaugnay nito, ipinanukala ng senador ang unti-unting pag-pull out ng mga OFW sa Kuwait.

Aniya, maaari naman silang ipadala sa ibang mga bansa kung saan maayos ang pagpapasweldo at pagtrato sa mga Pilipino.

Welcome naman kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople ang panukala ni Tulfo.

Gayunman, nanindigan ang kalihim na wala siyang nakikitang dahilan para magpatupad ng deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ni Ranara.

Katwiran niya, agad namang nahuli ang suspek sa krimen at tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas ng mga awtoridad sa Kuwait.

Sa halip, rerebisahin aniya ng DMW ang umiiral na bilateral labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa upang mas mapalakas ang pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW sa Kuwait.

Samantala, blacklisted na sa Pilipinas ang employer ni Ranara.

Ibig sabihin, hindi na siya makakapag-hire ng OFW mula sa Pilipinas.

Facebook Comments