Total electrification sa bansa, inaasahang makakamit sa 2022

Tiwala si Committee on Energy Chairman Senador Sherwin “Win” Gatchalian na maaaring maisakatuparan ang total electrification sa 2022 kahit na isang taon na lang ang nalalabi bago mapaso ang deadline na ipinataw ng gobyerno sa programang pagpapailaw sa bawat kabahayan sa bansa.

Sinabi ito ni Gatchalian makaraang pumasa na sa third and final reading ng Senado ang Senate Bill No. 1928 o ang panukalang Microgrid Systems Act.

Umaasa si Gatchalian na agad mararatipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang ito upang mapunan na ang pangangailangan sa kuryente ng mga nasa kanayunan na dekada nang problema sa bansa.


Diin ni Gatchalian, ang panukala ang magpapabilis sa pagpapailaw ng mga kabayahan sa bansa sa tulong ng pribadong sektor na papayagang lumahok para pagsilbihan ang mga lugar na “unserved” at “underserved.”

Ayon kay Gatchalian, ang underserved areas ay ‘yung mga lugar na may kakulangan pa rin sa suplay ng kuryente habang ang unserved naman ay ‘yung mga lugar na hindi pa napapaglaanan ng linya ng kuryente.

Paliwanag ni Gatchalian, ang itinatakdang Microgrid System ng panukala ay maliit na bersyon ng malaking grid ng kuryente at ito’y akma sa mga unserved at underserved na mga lugar lalo na kung walang paraan o hindi sapat ang mga pasilidad para makakabit sa pangunahing grid.

Dagdag pa ni Gatchalian, daan ang panukala para punan ang mga puwang sa aspetong ligal at polisiya sa Nationwide Total Electrification program ng gobyerno.

Facebook Comments