Hindi pa maipatutupad ang total ban sa paputok.
Ito ang nilinaw ng Philippine National Police (PNP) sa kabila ng hirit ng ilang grupo na ipatupad na ang pagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng paputok sa bansa dahil nagiging sanhi lamang ito ng aksidente.
Ayon kay PNP Civil Security Group Director MGen. Eden Ugale, sa ngayon ay nire-regulate lamang ng kapulisan ang pagbebenta at paggamit ng firecrackers at pyrotechnics sa bansa.
Aniya, ang paggamit ng paputok tuwing may selebrasyon lalo na sa bagong taon ay bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino.
Maliban dito, marami rin sa ating mga kababayan na ito na ang kabuhayan lalo na ang mga tagaBocaue, Bulacan.
Paliwanag pa ni Gen. Ugale, nasa pangulo na ng bansa kung nais nitong ipatupad ang complete national ban sa mga paputok.
Matatandaan noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinag-utos nito ang pagkakaroon ng community fireworks area kung saan dito na lamang maaaring manood ng nagpapaputok para iwas disgrasya.