‘Total Lockdown’, Hindi Ipinatupad sa Bayan ng Quezon

Cauayan City, Isabela- Hindi na isinailalim sa ‘total lockdown’ ang buong bayan ng Quezon sa Lalawigan ng Isabela sa kabila na nakapagtala ito ng dalawang (2) kauna-unahang kaso ng COVID-19.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Jimmy Gamason Jr, hindi aniya nakauwi ng direkta sa kanilang barangay ang dalawang (2) nagpositibo na kinabibilangan ng isang 33 taong gulang na babae, isang OFW na nagtatrabaho sa Kuwait na nakarating sa Pilipinas noong ika-4 ng Hunyo at nakauwi sa Lalawigan ng Isabela nitong buwan kung saan isinailalim ang pasyente sa quarantine facility sa bayan ng Echague.

Nakuhanan ang pasyente ng swab bilang specimen sample upang masuri para sa COVID-19 noong ika-23 ng Hunyo at lumabas ang resulta nito na positibo.


Wala namang ipinakitang sintomas ng sakit ang naturang pasyente.

Ang isang nagpositibo ay isa namang 56 taong gulang na babae na may travel history sa Lungsod ng Malabon sa Maynila.

Ayon kay Mayor Gamason, kabilang sa mga locally stranded individuals (LSI) ang naturang pasyente at dinala sa kanilang itinalagang pasilidad sa bayan noong ika-22 ng Hunyo.

Habang naka-quarantine ang pasyente ay nakaranas ito ng lagnat kaya’t sinuri ng Quezon Community Hospital at kinunan ng swab bilang specimen sample upang masuri para sa COVID-19 noong ika-24 ng Hunyo, kung saan ang resulta nito ay positibo.

Giit ng alkalde, walang dapat ikabahala ang mamamayan ng Quezon dahil na-contain at nananatili lamang ang mga ito sa mga isolation facilities.

Kasalukuyan nang ginagamot sa SIMC ang pasyenteng OFW habang sa CVMC naman ginagamot at inoobserbahan ang naturang LSI.

Ayon pa sa alkalde, isasailalim lahat ang mga posibleng nakasalamuha ng LSI sa pasilidad maging ang mga personnel ng RHU.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Mayor Gamason na mayroon silang mga ginagawang hakbang at ipinatutupad na protocols upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa kanyang nasasakupan.

Facebook Comments