Kinalampag ni Senator Risa Hontiveros ang Bureau of Immigration (BI) para sa malawakang ‘overhaul’ ng ahensya.
Ginawa ni Hontiveros ang reaksyon kasunod ng naging imbestigasyon ng Senado hinggil sa human-trafficking ng mga Pilipino sa Cambodia kung saan ginagawang crypto scammer ang mga kababayan ng isang Chinese mafia/syndicate doon.
Giit ng senadora, dalawang taon na ang lumipas mula nang mabulgar ang kontrobersyal na ‘pastillas scam’ na kinasangkutan din noon ng mga immigration officers at ngayon ay may panibago na namang modus na sila rin ang sangkot.
Batay kasi sa mga testigong humarap sa imbestigasyon ng Senado, sa 3,000 USD o P150,000 na kabayaran sa bawat Pilipinong mahihikayat sa crypto scam, kalahati o P70,000 hanggang P85,000 dito ay bayad sa immigration officer na siyang kasabwat sa pagpapalusot sa mga Pilipino para mabilis na makalabas ng bansa.
Duda rin ang mambabatas na posibleng mayroong nasa itaas o marami pang tauhan ang nakakaalam ng modus na ito.
Paliwanag ni Hontiveros, ang malawakang overhaul sa BI ay maaaring katumbas ng restructuring ng bureau, pagpapalit ng mga pinuno, mid-level personnel at iyong mga nasa ibabang posisyon, pag-a-update ng charter ng BI o lahat ng mga nabanggit.
Kailangan aniya ng total overhaul sa BI dahil pagkatapos ng ‘pastillas scam’ noon ay may sumunod pang eskandalo ngayon na sa halip na mapigilan ng immigration ay lumalabas na kasabwat pa ang mga tauhan nito.