Cauayan City, Isabela- Pinagre-report ni Nagtipunan, Quirino Acting Mayor Arnel Fiesta si Tourism officer Loyd Lozado Toloy sa ‘Jajan cave’ na noo’y iniutos ng sinuspindeng alkalde ng naturang bayan.
Matatandaang nag-ugat ang palitan ng salita ng magkabilang kampo dahil sa hindi umano makataong utos ni suspended Mayor Nieverose Meneses kay Toloy.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Toloy, laking gulat nito ng makatanggap ng kautusan mula sa acting mayor na nagsasabing muli itong mag-report sa kweba dahil ‘existing’ o may bisa pa rin umano ang nauna nang kautusan ng suspendidong mayor na si Meneses.
Una rito, nagtataka si Toloy ng hindi pa nababakante ng officer-in-charge ng tourism office ang kanyang opisina at tugon umano nito na hintayin muna ang ilalabas na memorandum order ng tanggapan ng acting mayor.
Laking pagtataka rin ni Toloy kung bakit ang inilabas na memorandum order ng sinuspindeng alkalde laban sa kanya ay itinuloy pa rin ng kasalukuyang tumatayong alkalde na sinasabing pinag-ugatan ng suspensyon ni Meneses.
Kaugnay nito, problema ngayon ni Toloy kung saan mag-oopisina sa kabila ng hindi umano pagpayag ng mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa kweba na buksan ito dahil sa hindi mabatid pang dahilan.
Sa kabila ng kanyang sitwasyon, magsasampa umano siya ng reklamo sa provincial board para suriin ang utos ng OIC mayor na si Fiesta.