Bukas si Tourism Secretary Christina Frasco na palitan ang tourism slogan na “It’s More Fun in the Philippines”.
Sa pagharap ng kalihim sa Commission on Appointments (CA), sinabi ni Frasco na pinagaaralan nila ngayon na palitan ang slogan sa turismo ng ahensya.
Ayon kay Frasco, kailangan na ng bagong branding ng bansa na maghahayag sa best qualities ng Pilipinas matapos ang dalawa’t kalahating taon na pagharap sa COVID-19 pandemic.
Pero bago gawin ang pagpapalit ng slogan, tiniyak ni Frasco na dadaan muna ito sa konsultasyon ng mga stakeholders.
Nagpasalamat naman ang kalihim sa mga nasa likod ng kasalukuyang tourism campaign ng ahensya.
Magkagayunman, nagpaalala si Senator Nancy Binay sa Department of Tourism (DOT) na ang pagpapalit ng slogan ay mangangahulugan ng dagdag na gastos at malaki ang posibilidad na malito ang mga potensyal na turista ng bansa.