Cauayan City, Isabela- Nahuli ang dalawang tourism student kasama ang kanyang mga kaibigan sa pagbebenta ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana bandang 7:35 kagabi sa Brgy. Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Nakilala ang suspek na si Christian Joy Del Rosario alyas Kenjie, 20-anyos, dalaga at residente ng Brgy. San Nicolas, Bayombong sa nasabing lalawigan.
Ayon sa imbestigasyon ng Bayombong Police Station, aktong napagbentahan ng suspek ng dalawang pakete ng dahon ng marijuana ang isang operatiba ng PDEA.
Maliban kay Kenjie, hinuli rin ang mga kaibigan nito na kinilalang sina Joel Cacal, 22-anyos, binata, isang fast-food crew; Serge Adamin Sicat, 22-anyos, ALS student; Nckaill Martinez, 23-anyos at kapwa residente ng Bayan ng Bayombong at si Mary Keitlin Collado, 18-anyos, BS Tourism Student at residente ng Brgy. Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong (7) pakete ng dried marijuana, isang (1) improvise glass tobacco (cigarette pipe), limang (5) bote ng alak at drug paraphernalia.
Nabatid na si Del Rosario ay kabilang sa PNPN/PDEA Priority 10 Target List habang si Sicat ay naaresto na nitong Hulyo 2019 dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na nasa kustodiya ng pulisya.