Ikinatuwa ni Sen. Joel Villanueva ang pahayag ng World Travel and Tourism Council (WTTC) na magkakaroon ang tourism industry ng Pilipinas ng 6.7 porsyentong growth rate sa loob ng sampung taon, na gagawa ng 2.9 milyong bagong trabaho na bubuo sa 21.5 porsyento sa lahat ng trabaho sa bansa.
Diin ni Villanueva, ito na ang tamang panahon para galingan pa natin sa turismo, lalo na’t bukas na rin sa mga turista ang ating mga karatig-bansa.
Bunsod nito ay iginiit ni Villanueva sa Department of Tourism (DOT) na gumawa ng roadmap kasama ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), para sa training, upskilling, at reskilling para sa tourism jobs sa bansa.
Iminungkahi rin ni Villanueva na gawing bahagi ang roadmap na ito sa susunod na National Tourism Development Plan ng DOT.
Nanawagan din ang senador sa Department of Health (DOH) na isali ang mga tourism worker bilang priority sector para sa booster shots laban sa COVID-19 dahil sila ay “economic frontliners” ng bansa.
Umapela rin si Villanueva sa mga pambansa at lokal na health officials na ipatupad nang maayos ang mga pandemic protocol lalo na sa mga tourist spots.