Iminungkahi ni House Deputy Speaker Loren Legarda kay Health Secretary Francisco Duque III kung maaaring gawin ang pagsasara muna ng Pilipinas sa China kasunod na rin ng paglaganap doon ng novel corona virus.
Sa question hour sa Kamara, sinabi ni Duque na sa ngayon ay tanging Wuhan, China lamang ang sinuspinde ang byahe sa Pilipinas.
Pero ayon kay Legarda, mahalagang maging proactive ang pamahalaan dahil kumalat na rin ang sakit sa ibang bahagi ng China kaya nakakabahala na mabilis lamang din itong kakalat sa bansang overpopulated tulad ng Pilipinas.
Ayon kay Duque, sa ngayon ay dapat na ikunsidera muna ang mga posibleng repercussions o consequences at kailangan gawin pa ang mga necessary adjustments sakaling ipatupad ang ban sa lahat ng mga Chinese tourists.
Samantala, binigyang diin naman ni dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin kay Duque na hindi sapat ang surgical mask para maprotektahan ang sarili laban sa NCOV.
Iginiit pa nito na tatlo hanggang apat na oras lamang ang pagsusuot ng surgical mask at mas inirerekomenda pa rin ang pagsusuot ng N95 lalo na sa mga high-risk areas.
Agad ding natapos ang question hour at tumagal lamang ng isang oras ang pagsalang ni Duque sa mga pagtatanong ng mga kongresista.