Itinanggi ni House Committee on Ways and Means Chairman Dakila Cua na marami ang mawawalan ng hanapbuhay sa ilalim ng TRAIN 2 o TRABAHO Bill.
Ayon kay Cua, inaral nilang mabuti ang TRABAHO Bill kaya walang katotohanan ang ibinabato na marami ang matatanggal sa trabaho sa oras na maging ganap na batas ito.
Sa ilalim ng TRABAHO Bill, walang panibagong buwis na ipapataw kundi ibababa lamang ang corporate income tax sa 20% mula sa 30%.
Bukod dito, imo-modernize din ang tax incentives upang matiyak na targeted, time bound at effective para sa pagdami ng mga mamumuhunan at trabaho para sa mga Pilipino.
Iginiit din ni Cua na walang katotohanan na inaayawan din ng mga kasapi ng American Chamber of Commerce, Philippine Economic Zone Authority o PEZA at mga investors sa Subic ang TRABAHO Bill.
Sinabi ni Cua na sa katunayan ay nakipagdayalogo sila sa mga stakeholders at wala namang 100% na pagtutol ang mga mamumuhunan sa TRAIN 2.
Nakausap din niya mismo ang PEZA at may mga concerns lamang na ipinaabot sa kanya pero hindi ibig sabihin na humahadlang sila sa TRABAHO Bill.