Aarangkada na ang Trabaho Caravan back-to-back Baratilyo Caravan ngayong araw sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO) ng San Jose del Monte Bulacan katuwang ang DZXL Radyo Trabaho sa Productivity Complex Ground, Barangay Sapang Play Proper City, San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay PESO Manager Perfecto Tagalog, magsisimula ang Trabaho Caravan back-to-back Baratilyo Caravan na may alok na trabaho at murang mga bilihin mamayang alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa naturang lugar.
Paliwanag ni Tagalog na sa Baratilyo Caravan ay mayroong ibinibentang mga murang halaga ng iba’t ibang produkto na abot kaya ng mga ordinaryong mamamayan gaya ng mga pagkain, kagamitan sa bahay at marami pang iba.
Imbitado rito ang humigit kumulang 30 kompanya at may alok itong mahigit 4,000 trabaho.
Kabilang sa mga trabahong maaaring aplayan ay ang warehouse staff, beauty consultant, bartender, dining staff, sales clerk, admin assistant, service crew, technician, promodiser, nurse, cashier at marami pang ibang pwedeng aplayan na trabaho.
Bukas naman ito hindi lamang sa mga residente ng San Jose del Monte, Bulacan kundi sa iba pang mga aplikante sa ibang lalawigan.
Paalala ng PESO ng San Jose del Monte, Bulacan sa mga aplikante na magdala ng maraming resume at sariling ballpen at magtungo na kaagad sa nabanggit na lugar.
Ang DZXL Radyo Trabaho ay aktibong katuwang ng PESO San Jose del Monte, Bulacan sa lahat ng kanilang mga programa at proyekto.