Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Coalition na malaking tulong ang pagtanggap ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa kahilingan ng Trade Union leaders na kabilang sa Council of Global Unions (CGU) sa Pilipinas na makipagdayalogo sa mga leader ng naturang samahan upang iparating ang mga karaingan ng mga manggagawa.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, ang dayalogo sa darating na Miyerkules ay gagawin umano pagkatapos ng oral argument ng Supreme Court sa Martes, February 2 tungkol sa Constitutionality ng Anti-Terror Act na mariing tinutulan ng grupo dahil sa labag umano sa Bill of Rights ng Saligang Batas at kanilang International Commitments sa United Nations.
Paliwanag ni Atty. Matula, kabilang sa kanilang ilalahad sa kalihim ay ang mga paglabag sa Karapatang Pantao ng mga manggagawa, usapin ng red-tagging sa mga leader ng Trade Union, isyu na may kinalaman sa pagtaas ng sahod, pagpatay sa mga Union leader at aktibista at iba pang mga mahahalagang isyu na may kinalaman sa kapakanan ng mga manggagawa.
Umaasa si Atty. Matula na matutuldukan na ang mga problema ng mga manggagawa sa kanilang nakatakdang dayalogo sa kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE).