Kapansin-pansin na wala pa gaanong mga tradisyunal na jeepney na bumabiyahe ngayon sa dagdag na ruta na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Matumal pa rin ang biyahe ng Marikina-Cubao at Marikina-Marikina via Fortune sa Marikina City.
Ayon sa mga driver, hindi pa handa sa pagbiyahe ang ilan nilang kasamahan habang ang iba naman ay minabuting huwag munang bumiyahe dahil kalahating bilang lang ng mga pasahero ang kanilang maisasakay at bakante rin ang kanilang terminal.
Napag-alaman na halos 2,000 traditional na jeepney sa dagdag na 17 ruta sa Metro Manila ang pinayagang makabiyahe ng LTFRB ngayong araw.
Sa mga jeepney driver na babiyahe, kailangan nilang mag- print sa short bond paper size at i-display sa harap ng sasakyan ang Quick Response (QR) code.
Kailangan ding sumunod ng operators sa safety measures na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases bago sa kasagsagan at pagkatapos ng operasyon.
Kabilang dito ang pagsusuri ng body temperature, pagsusuot ng face mask o shield at gloves sa lahat ng operasyon at pag-ooperate nang hanggang 50 porsyento ang kapasidad ng kanilang jeep.