Tradisyunal na vote buying, madali lang mabisto ayon sa Comelec

Kumpiyansa ang Commission on Elections (Comelec) na madali lang nilang mabibisto ang mga namimili ng boto, lalo na ang tradisyunal na vote buying.

Ito ang pahayag ng Comelec kasunod ng isinasagawang imbestigasyon sa insidente ng vote buying sa Navotas City kung saan 200 katao ang naaresto.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bagama’t may mga online platform na na pwedeng gamitin para sa vote buying ay bumabalik ang ilan sa traditional na paraan sa pamimili ng boto.


Ito ay dahil na rin aniya sa paghihigpit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Anti Money Laundering Council sa mga dumaraan na transaction online.

Sa usapin naman ng traditional vote buying at vote selling, patuloy na nakatutok ang Task Force Kontra Bigay ng komisyon na permanenteng itinatag sa bisa ng Comelec Resolution 10946.

Madaling matutukoy ng Comelec ang ganitong mga insidente dahil 24 oras na bukas complaint center nito hanggang sa October 31 o isang araw matapos ang aktwal na botohan, katuwang ang mga kapulisan at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kaugnay nito, hinimok ni Garcia ang publiko na agad na i-report sa website ng Comelec ang mga insidente ng vote buying sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Facebook Comments