Duda ang mga operator at drivers ng mga pampublikong jeep sa bansa sa pahayag ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maaari na silang pumasada ngayong linggo, partikular sa Huwebes.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators (PISTON) National President Mody Floranda na tila pinaglalaruan lang sila ng pamahalaan lalo na’t apat na beses nang na-postpone ang kanilang kabuhayan.
Giit ni Floranda, una na kasing inihayag ni LTFRB Chairman Martin Delgra na papayagan na nila ang operasyon ng jeepneys noong June 15, 2020 pero naurong ito noong June 18, June 22 na umabot na ngayon sa June 30, 2020.
Maging si Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren de Luna ay hindi rin naniniwala na makakabiyahe na ang mga tradisyunal na jeep sa lansangan.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni de Luna na kahit namamalimos na ang mga driver, mas binigyan pa ng DOTr ng prayoridad ang mga bus na bumiyahe sa kanilang mga ruta.
Giit naman ni Liga ng Transportation at Operators (LTOP) National President Ka Lando Marquez, walang isinagawang public consultations ang pamahalaan sa pagbiyahe ng mga bus sa mga ruta ng mga traditional jeep.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Marquez na bagamat pabor sila sa modernization program ng pamahalaan, dapat pa ring manatili ang mga jeep na itinuturing na hari ng lansangan at mukha ng Pilipinas sa ibang bansa.
Una nang ipinaliwanag sa interview ng RMN Manila ni DOTr Senior Consultant Alberto Suansing na kaya nila inuna ang bus at mga uv express sa pagbabalik ng public transport ay dahil mas marami ang mga naseserbisyuhan nito kumpara sa mga pampublikong jeepney.
Nabatid na ang papayagan lang ng DOTr na makabiyahe sa Huwebes ay ang mga roadworthy na traditional jeep.