Pinayagang makabiyahe ng gobyerno hanggang Linggo ang mga traditional jeepney na wala pa ring required QR codes.
Ito ang napagdesisyunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos na makaranas ng technical problem ang website nito kung saan maaaring mag-download ng QR codes.
Ayon naman kay Department of Transportation (DOTr) Senior Consultant Engr. Alberto Suansing, kung sa Lunes ay wala pa ring QR codes, hindi na sila papayagang bumiyahe.
Kailangan ang QR codes para matukoy kung kolorum ang isang jeep.
Binatikos naman ng ilang transport group ang anila’y kawalan ng kahandaan ng LTFRB at DOTr para sa pagbabalik-kalsada ng mga tradisyunal na jeep ngayong araw.
Ayon kay Efren De Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), ang mga ‘last minute’ na pagbabago sa polisiya ay resulta ng bigong pamumuno ng mga transport agency.
Pinasaringan naman ni PISTON President Mody Floranda si Suansing matapos sabihing mas magiging lantad sa panganib ng COVID-19 infection ang mga pasahero dahil sa mga safety measures na inilatag ng mga driver gaya ng paglalagay ng plastic partitions.
Aniya, parang sila pa ang may kasalanan gayong ang problema ay ang kabagalan ng LTFRB at DOTr sa paglalabas ng guidelines.
Habang sa interview ng RMN Manila, pinuna ni LTOP President Ka Lando Marquez ang mga rutang binuksan para sa mga jeep na aniya’y masyadong maliliit at hindi naman konektado sa mga mass transport system tulad ng MRT at LRT.
Sang-ayon din siya na talagang kulang ang naging paghahanda ng mga ahensya.