Ihahain muli sa Kamara ni House Committee on Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento ang panukala na maggagawad ng emergency powers sa Pangulo para solusyunan ang matinding traffic sa Metro Manila.
Paliwanag ni Sarmiento, tatawagin pa rin itong Traffic Crisis Act tulad sa inihain noong 17th Congress dahil nagkaroon ng negatibong konotasyon ang emergency powers sa publiko.
Sa ngayon aniya ay may master plan nang inilalatag bilang solusyon sa matinding traffic.
Ilan dito ang pagsasaayos ng dispatch ng mga bus na gawing centralized at synchronize upang hindi basta-basta magbaba at magsakay ng pasahero kung saan-saan.
Kasama rin ang mga LGUs na magpapaigi sa traffic sa mga lungsod sa pamamagitan ng pakikipa-ugnayan sa mga ahensya at harmonization ng mga polisiya.
Nakiusap naman si Sarmiento sa publiko na pairalin ang disiplina sa pagmamaneho sa mga lansangan dahil isa din ito sa nagpapatindi ng traffic bukod pa sa sobrang dami ng sasakyan at maraming inaayos na daan.