Patay ang isang traffic enforcer matapos barilin ng isang pulis nang mapagkamalang karnaper.
Ang biktima ay nakilalang si Edgar Abad Follero, binata, residente ng No. 35 P. Tupaz St., Novaliches, Quezon City at nagtatrabaho bilang traffic enforcer ng Department of Public Order and Safety (DPOS) na nasa ilalim ng tanggapan ng Quezon City.
Kinilala naman ang suspek na si PLt. Felixberto Tiquil Rapana, nakatalaga sa Anti-carnapping Unit ng Manila Police District (MPD).
Batay sa report ng Masambong Police (PS 2), bandang 4:40 kaninang madaling araw nang maganap ang insidente sa harapan ng Munoz Market na matatagpuan sa EDSA sa Brgy. Veterans Village, Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Haru Gil Manzano ng PS 2, nasiraan ang motorsiklo kung saan sakay ang biktima.
Habang abala si Follero at isa pang kasama na ayusin ang nasirang motor, isang lalaki ang lumapit sa kanila at biglang malapitang binaril si Follero.
Bagama’t may tama ng bala ay nagawa pa umano ni Follero na paandarin ang kaniyang motorsiklo at nag-counterflow sa EDSA para humingi ng saklolo sa mga nakapuwestong pulis sa tabi ng Muñoz Market.
Pero bago pa man makapagsumbong sa mga pulis ay bumagsak na ang biktima kaya agad na isinugod sa Quezon City General Hospital (QCGH) pero binawian din ito ng buhay, ayon kay Dra. Maureen Ramitere, sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa kaliwa at kanang kili-kili.
Habang ang naiwang kasama ng biktima na si Gamboa ay pinadapa umano ng suspek at tinutukan ng baril.
At nang magsidatingan na ang mga nagrespondeng mga operatiba ng PS 2 ay nagpakilala ang suspek na isang pulis-Maynila.
Narekober mula sa suspek ang isang glock 17 na baril na may serial no. PNP 10253, habang nasamsam naman sa crime scene ang isang live ammunition at isang basyo ng bala.
Nasa kostudya na ng PS 2 ang suspek na pulis-Maynila at isinasailalim na sa imbestigasyon.