Manila, Philippines – Inireklamo ang isang traffic enforcer ng MMDA dahil nambasag ng salamin ng kotse ng isang motorista na sinita niya sa paglabag sa Anti Distracted Driving Law sa Pasay City.
Batay sa reklamo ng tsuper na si Elmer Perez, 41-anyos, at nakatira sa Lozada Homes, Las Piñas City.
Kuwento ni Perez, binabagtas niya ang kahabaan ng Roxas Blvd. kanto ng Libertad St. nang sitahin siya ng MMDA enforcer na may apelyidong “Panganiban” dahil sa paglabag sa anti-distracted law.
Dahil hindi kaagad naibigay ang kanyang lisensya ay nagalit ang enforcer at namagitan sa kanila ang mainitang pagtatalo.
Sinasabing ipinagpilitan ni Perez na hindi pa ipinatutupad ang naturang batas kaya’t nagalit ang MMDA enforcer at binasag ang salamin ng kanyang Toyota Innova na may plakang 766 UYD.
Dahil dito, agad na dumulog sa himpilan ng pulisya si Perez para ipa-blotter ang naturang insidente.