Ginang, natangayan ng alahas at cash ng salisi gang sa Muntinlupa City

Manila, Philippines – Dumulog sa pulisya ang isang ginang matapos matangayan ng mga alahas at ilang mahahalagang gamit ng hinihinalang Salisi Gang sa Muntinlupa City.

Nakilala ang biktima na si Abegail Emas, 33-anyos at nakatira sa Greenwoods Executive Village, Cainta, Rizal.

Batay sa salaysay ng ginang, kumakain siya sa loob ng Phoa Hoa Restaurant sa Alabang kasama ang kanyang anak at kasambahay nang may lumapit sa kanila na dalawang lalaki.


Nakipaglaro umano ang mga ito sa kanyang menor de edad na anak at sa pangambang baka tangayin ang bata ay agad niyang inilayo ito.

Dito na nagkaroon ng pagkakataon ang mga suspek para isagawa ang krimen at tinangay ang kanyang bag na naglalaman ng mga alahas at cash.

Tinatayang halos kalahating milyong piso ang kabuuang halaga ng mga nakulimbat na pera at alahas ng mga salarin.

Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang insidente habang inaalam kung nahagip ng mga CCTV sa lugar ang pangyayari upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Facebook Comments