Occidental Mindoro – Inaalam na ng mga otoridad ang tunay na dahilan sa
nahulog na pampasaherong bus sa National Highway ng Patrick Bridge, Brgy.
Batong Buhay, Sablayan, Occidental Mindoro kung saan labing siyam ang patay
habang dalawampu’t isa ang sugatan.
Sa interview ng RMN kay Occidental Mindoro Provincial Director S/Supt.
Romie Estepa – sa inisyal nilang imbestigasyon “na-lost control” umano ang
driver ng Dimple Star Bus at nahulog ito malapit sa tulay kung saan
tinatayang nasa 15 hanggang 20 meters ang kinabagsakan ng sasakyan.
Ayon kay Estepa, meron ding blind curve sa lugar at dinaanan ang rough road
o mga graba.
Una rito, sa interview ng RMN, sinabi ni Sablayan Municipal Disaster Risk
Reduction and Management Office Head Arcris Panillo na nawalan ng brake ang
bus hanggang sa mahulog sa bangin.
Sinabi ni Panillo na ‘all accounted’ na ang lahat ng mga pasahero sa
nahulog na bus kung saan kabilang ang driver at kondoktor sa mga namatay.
Agad din nakipag-ugnayan ang pamunuan ng Dimple Star Bus sa mga biktima ng
trahedya.
Sa ngayon ay pinatawan ng 30-days preventive suspension ng Land
Transportation Franchising and Regulatory Board ang 10 bus units ng Dimple
Star Bus Company.