Nanawagan sa House of Representatives at sa Senado ang United Filipino Seafarers para pa-imbestigahan ang paglubog sa karagatan ng tatlong motorbanca noong Sabado.
Ayon sa grupo, dapat papanagutin ang Maritime Industry Authority at Philippine Coast Guard personnel na nakabase sa Iloilo at Guimaras dahil sa nangyaring trahedya.
Ayon kay United Filipino Seafarers President Engr. Nelson Ramirez, hindi raw ginawa ng Coast guard at Marina ang kanilang tungkulin kaya nangyari ang aksidente sa Iloilo-Guimaras Strait na ikinasawi ng 31 pasahero.
Aniya, bakit pinayagan pa ng coast guard na makapaglayag ang mga sea vessels sa kabila ng inilabas na gale warning ng PAGASA weather bureau.
Sa panig naman ng Marina, hindi rin nito ipinatupad ang direktiba na noon pa man ay dapat na phase out na ang mga wooden hull boats.
Simula noong July 2018, ganap nang ipinatupad ang pagbabawal o hindi na pinapayagan na gawing pampasaherong sea vessels ang mga motorbanca na gawa sa kahoy.
Base sa kanilang impormasyon, dalawa sa tatlong motorbanca ang overloaded.
Ipinagtataka pa ni Ramirez na nauna na ngang lumubog ang dalawang passenger boats pero bakit pinayagan pang makapagbiyahe ang pangatlong sasakyang pandagat na kalaunan ay lumubog din.